Ilalayo ni Quezon City mayoralty candidate Mike Defensor ang mga streetchildren o batang lansangan sa mapanganib na kalsada ng lungsod kasabay sa pagtulak ng mga kaakibat na programa at proyektong tuluyang sasagip sa pamilya ng mga ito.
Mariing iginiit ni Defensor na dapat pagtuunan ng pansin kung paano mabibigyan ng pagkakataon ang mga batang lansangan na lumaking kapaki-pakinabang na mamamayan ng lungsod.
“Kinakailangang maglaan ng pondo para sa programang ‘zero streetchildren’ upang ganap na maisaayos ang kalagayan ng mga batang lansangan at dapat putulin na ang pamamalagi nila sa mga kalsada at huwag tumanda na walang direksyon ang buhay. Malaki ang pangangailangan na kumilos ang pamahalaang lokal upang matiyak na hindi sila magiging karagdagang problema ng ating lipunan.” pahayag ni Defensor.
Tinukoy ni Defensor na kinakailangang lutasin ang ugat ng kahirapan ng pamilya ng bawat batang lansangan, tulad ng kawalan ng disenteng tirahan, hanap-buhay at edukasyon.
“Kung matutulungan natin na magkaroon ng disenteng tirahan at masasandalan na pagkakakitaan ang mga magulang ng bawat streetchildren, hindi na nila kinakailangang makipagsapalaran sa lansangan upang makakuha ng limos bilang pantawid gutom.” dagdag pa ni Defensor.
Samantala, ikakasa rin ni Defensor ang pagkakaroon ng livelihood program at pagbibigay ng sapat na edukasyon sa mga magulang ng bawat streetchildren kaugnay sa responsibilidad at pananagutan ng mga ito sa kanilang mga anak.
Nagpahayag ng kahandaan si Defensor na makipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), non-government organizations o NGOs at maging sa hanay ng pribadong sektor upang maging katuwang ng pamahalaang lokal sa paglalatag ng mga programa para sa mga batang lansangan.
“Ang kailangan natin ay pagtutulungan ng pribadong sektor at pamunuang nababalot ng political will upang sugpuin ang kahirapan sa lungsod.” ani Defensor.
Naniniwala si Defensor na ang tunay na pag-unlad ay hindi dapat matapos sa pisikal na anyo ng isang lungsod, ito ay dapat higit na maramdaman ng mga mamamayang naninirahan sa bawat pamayanan nito.
