Trabaho dapat mapunta sa mga taga QC – Mike Defensor

Dapat higit na mabigyan ng pagkakataon ang mga residente ng lungsod na makapasok ng trabaho sa bawat pabrika o negosyong itinatayo sa Quezon City upang makatulong sa kanilang kabuhayan.

Ito ang binigyang diin ni mayoralty bet Mike Defensor sa kanyang pakikipagpulong sa iba’t ibang lider ng bawat sektor mula sa ikalawang distrito ng lungsod kamakailan.

Ayon kay Defensor, pangungunahan niya ang pagbibigay ng mga insentibo sa bawat kumpanya o negosyo na susuporta sa naturang programa tulad ng tax breaks at libreng occupational permit.

Bukod pa dito, sinabi ni Defensor na kailangan ang maayos na ugnayan ng mga negosyante, komunidad at pamahalaang lokal kung nais ng lungsod na makinabang ang lahat ng mamamayan nito.

“Ang mahalaga rito ang magtulungan ang pamahalaang lokal at mga employers o may-ari ng mga factory at maglalaan tayo ng mga training upang sa gayun ay mismong taga-komunidad ang mabibigyan ng trabaho. Sa huli ay mas matipid ito para sa mga negosyante at mas lalawak ang opurtunidad ng ating mga kababayan na makahanap ng trabaho dito mismo sa ating lugar.” paliwanag ni Defensor.

Idinagdag pa nito na dapat mabigyan ng sapat na kasanayan at kaalaman ang mga naghahanap ng trabaho tulad ng mga training sa call center, restaurant at internet/computer outlets dahil ito ang mga trabahong nangangailangan ng maraming manggagawa.

Tututukan din ni Defensor ang pagbubukas at pagpapalawig ng mga merkado para sa mga produktong pangkabuhayan na karaniwang itinataguyod sa mga livelihood training tulad ng paggawa ng iba’t ibang produkto gaya ng kandila, sabon, accessories, at iba pa.

Isasabay dito ang pagdagdag sa mga skills training na maghahasa sa kakayahang teknikal o mekanikal ng sinumang nagnanais nito tulad ng dressmaking, food processing, automotive, electronics at iba pang mapagkakakitaan.

Binigyang diin ni Defensor ang pangangailangan na hasain ang kakayahan at kaalaman ng mga residente para maging kapaki-pakinabang silang mamamayan.

“Importanteng mabigyan natin ng pagkakataon ang ating mga kababayan, lalo na ang ating mga kabataan. Kung hindi natin sila tutulungan ay posibleng maging problema sila ng ating komunidad.” giit ni Defensor.

-->