Tax cuts sa TODA at negosyante tiniyak ni Mike Defensor

Tiniyak ni mayoral candidate Mike Defensor na magkakaroon ng pagtapyas sa mga bayarin ng mga mamamayan, partikular na sa hanay ng maliliit na negosyante sa Quezon City sakaling ituloy ng mga ito ang tiwala sa kanyang kakayahang mamuno sa lungsod.

Kasabay nito, tiniyak ni Defensor na hindi rin magdaragdag ng buwis at sisikaping pag-aralan kung ano pa ang mga posibleng gawin ng pamahalaang lokal upang mabigyan ng ayuda ang mga negosyo at matulungan maging ang hanay ng mga driver.

“Naniniwala ako na hindi dapat gipitin sa pamamagitan ng mga buwis ang mga negosyante at mamamayan sa ating lungsod. Dapat nating pagtuunan ng pansin ang pagpapabuti sa sistema ng paniningil ng buwis upang matiyak ang maayos na kalagayang pananalapi ng pamahalaang lokal.” paliwanag ni Defensor.

Pangunahin sa mabibigyan ng tax cuts sa lungsod ang hanay ng mga Tricycle Operators and Drivers Associations o TODA.

Upang higit pang makahikayat ng negosyo na manganganak ng trabaho para sa mga residente ng lungsod, tiniyak ni Defensor na ang plano niyang pagpapatupad ng tax cuts ay bukas maging sa nagpaplano pa lamang na magtayo ng negosyo.

Nakaabang rin ang pagpapatupad ng tax breaks sa mga sari-sari store kung saan nakapaloob dito ang libreng mayor’s permit.

Maging ang tinatarget na night market na isasabay ni Defensor sa ‘night zoo’ ay malilibre hindi lamang sa buwis kundi nakahanda rin ang kanyang liderato na sagutin ang kuryente at seguridad ng mga mamimili.

-->