Tututukan ni mayoralty candidate Mike Defensor ang paglaban sa kriminalidad at carnapping sa Quezon City bilang aksyon sa nauna nang bansag na ‘Carnapping Capital’ sa lungsod sa pamamagitan ng pagkalat ng mga closed-circuit television (CCTV) o security camera sa mga estratehikong pampublikong lugar.
“Naniniwala ako na kung tutulungan natin ang puwersa ng ating kapulisan dito sa ating lungsod ay mas mapapadali ang paglutas sa anumang krimen, gayundin magdadalawang isip ang sinumang kriminal na mambiktima sapagkat alam nilang madali silang mahuhuli.” pahayag ni Defensor.
Mas prayoridad ni Defensor ang palakasin ang programa sa seguridad at kaayusan kasabay ng paglulunsad ng mga proyekto para sa hanay ng sining upang higit na mapaigting ang pagkakakilala sa lungsod bilang ‘City of Stars’.
Nais tiyakin ni Defensor na magiging doble ang kampanya laban sa anumang krimen upang maprotektahan ang mga negosyo, ari-arian at mamamayan. Mas magtitiwala rin ang iba pang negosyo na pumasok sa lungsod na magreresulta naman ng trabaho sa mga mamamayan at karagdagang buwis para sa serbisyo publiko.
Ang pagtatalaga ng mga security camera ay bilang karagdagang tulong sa pagbabantay ng seguridad sa komunidad, kasabay na rin ng pagpapatrulya ng mga barangay tanod at puwersa ng Quezon City Police.
Tiniyak din ni Defensor ang buong suporta nito sa hanay ng mga pulis, partikular na sa pagtulong sa pagkakaroon ng sapat na suplay ng mga kagamitan upang mabilis na makaresponde sa anumang krimen.
“Higit pang uunlad ang ating lungsod kung matitiyak natin ang ligtas na kapaligiran. Malaki ang maitutulong ng CCTV cameras sa pagsugpo ng mga krimen.” dagdag pa ni Defensor.
Plano ni Defensor na ilagay ang mga CCTV camera sa mga pampublikong lugar at magagamit ito sa loob ng 24 oras para labanan ang mga kriminal.
