Pondo ng QC, ibabalik sa taumbayan

Nanindigan si Quezon City mayoralty aspirant Mike Defensor na ibabalik nito sa taumbayan ang bahagi ng pondo ng siyudad upang maramdaman ng lahat ng residente ng lungsod, mayaman at mahirap ang tunay na pag-unlad.

Sa isang candidates forum na inorganisa ng National College of Public Administration and Governance (NCPAG) ng University of the Philippines kamakailan, nagharap sa unang pagkakataon ang limang mayoralty candidates ng lungsod upang ilatag ang kanilang mga proyekto at programa na hahatulan ng mamamayan sa May 10, 2010 elections.

Sa pagharap nito sa forum, inilahad ni Defensor ang kahalagahan na maramdaman mismo ng mamamayan anuman ang estado nito sa buhay ang pag-unlad ng Quezon City sa pamamagitan ng mga konkretong programa.

“Ngayon ang tamang panahon upang ibalik natin sa ating mga kababayan ang pondo ng Quezon City, nagawa na natin sa matagal na panahon ang pagtutok sa pagbabagong pisikal ng ating lungsod, dapat ay higit nating pagtuunan ng pansin ang mga serbisyo at programa na tunay na magpapabago sa kanilang pamumuhay.”
pahayag pa ni Defensor.

Kabilang sa mga programang ipaglalaban ni Defensor para sa mamamayan ng Quezon City ang pagtiyak na magkakaroon ng health card ang lahat para sa mura at de-kalidad na serbisyong medikal, buwanang allowance ng mga senior citizens, pagbibigay ng pantay na karapatan at pagkakataon sa mga may kapansanan, discount sa may 60 unibersidad at kolehiyo sa lungsod upang magkaroon ng mas maraming scholar bawat taon, pabahay para sa mga informal settlers sa pamamagitan ng Community Mortgage Program (CMP) at pagpapalago sa central business district.

Samantala, sa ilalim ng programa sa turismo, tiniyak ni Defensor na manganganak ng trabaho para sa mga taga-lungsod ang plano nito para sa pagpapaunlad ng Ninoy Aquino Parks and Wildlife Center, ang pangarap nito na gawing ‘Tagaytay’ ng Metro Manila ang La Mesa Ecopark at ang paglikha ng sentro para higit na kuminang ang tinaguriang City of Stars.

Makatitiyak din ang sambayanan na hindi magdaragdag ng buwis sa ilalim ng kanyang termino sapagkat sapat ang pondo ng pamahalaang lokal upang tustusan at iprayoridad ang pagpapatupad ng kaniyang mga isusulong na programa.

Ayon pa kay Defensor, sa halip ay pag-aaralan niya kung paano babawasan ang pasanin ng mga maliit na negosyo sa pagbubuwis partikular na ang mga sari-sari store at maging ang mga Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).

“Maunlad na ang Quezon City, pero dapat may gawin tayo para sa kanilang lahat upang maramdaman nila ito at sila mismo ay makasama natin sa tunay na pag-asenso.” dagdag pa ni Defensor.

-->