Health Card para sa QC, titiyakin ni Mike Defensor

Titiyakin ni Quezon City mayoral bet Mike Defensor na matutugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga mamamayan sa lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng ‘Health Card’ sa bawat pamilya.

“Ang tunay na pag-unlad ng ating lungsod ay dapat maramdaman ng ating mga kababayan. Walang pasyente ang itataboy sa bawat ospital at magmamakaawa ng atensyong medikal para sa sinumang miyembro ng kaniyang pamilya.” ayon kay Defensor.

Ang pagtugon sa usaping pangkalusugan ay kabilang sa mga pangunahing programang isinusulong ni Defensor para sa mga taga-Quezon City. Prayoridad nito ang pagtiyak na mabilis na maibigay ang mga serbisyong medikal tulad ng operasyon, gamot at doktor partikular na sa mga maralitang taga-lungsod.

Nakita ni Defensor ang malaking pangangailangan na itaas ang antas ng serbisyong  pang-kalusugan ng kaniyang mga kababayan sa kanyang tuluy-tuloy na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor na nagtutungo sa kanyang tanggapan.

Sa kasalukuyan, nakita ni Defensor ang pangangailangan na magsulong ng isang ‘universal health care’ para sa mga taga-Quezon City. Sa ilalim ng programa ni Defensor, lahat ng mga mahihirap na pamilya ay magkakaroon ng pangkakataong maging miyembro ng National Health Insurance Program o Philhealth samantalang lahat naman ng mga pamilyang mayroon ng iba’t ibang uri ng Philhealth membership ay bibigyan ng QC Health Card.

Ang lahat ng pagkakalooban ng QC Health Card ay magkakaroon ng nakatalagang primary care doctor na magbibigay ng libre at tuluy-tuloy na tulong medical. Magkakaroon din sila ng prayoridad na makapasok sa Quezon City General Hospital at Novaliches District Hospital maging sa lahat ng mga hospital sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health tulad ng Heart Center, National Kidney & Transplant Institute, Lung Center, Philippine  Children’s Hospital at iba pa. Magkakaroon din ng mga diskwento ang mga ito sa mga pribadong ospital para mabigyan sila ng mura at abot-kayang serbisyo.

Nagpahayag din ng kahandaan si Defensor na makipagtulungan maging sa pribadong sektor upang tiyakin na mabibigyan ang lahat ng taga-lungsod ng murang gamot laban sa impeksyon, high blood pressure, diabetes at cancer.

Samantala, kabilang din sa isinusulong ni Defensor ang makapagbigay ng murang diagnostic services kabilang na ang mga blood test, x-ray at ultra-sound.

-->