Isusulong ni mayoralty candidate Mike Defensor ang pagkakaroon ng isang economic zone sa Quezon City upang palakasin ang pangangalakal sa lungsod at mabigyan ng trabaho ang libu-libong mamamayan.
Pinaliwanag ni Defensor na bagamat nasa mabuting kalagayan naman ang komersiyo at pagnenegosyo sa lungsod, mas higit na makikinabang ang pamahalaang lokal at mamamayan nito kung magkakaroon ng economic zone.
“Bubuksan ang economic zone sa lahat ng negosyante maging Pilipino o dayuhan man upang makaakit ng ‘investment’ na lalong magpapasigla ng kalakalan sa ating lungsod.” pahayag ni Defensor.
Kasabay nito, nakahanda naman si Defensor na magbigay ng tax breaks sa mga negosyo na papasok sa economic zone. Pero kapalit nito, kinakailangan na mga mamamayan ng lungsod ang kukunin nilang mga manggagawa at empleyado.
Tinatayang milyun-milyong halaga ng bagong negosyo para sa Quezon City at trabaho naman para sa mga residente nito ang idudulot ng nasabing economic zone. Inaasahan na ang balak ni Defensor ang siyang magtutulak ng tuluy-tuloy na pag-unlad ng Quezon City.
Tiwala naman si Defensor na magiging epektibo ang paglulunsad niya ng economic zone batay na rin sa kaniyang karanasan sa pamamahala ng mga pribadong kumpanya maliban sa pamumuno ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaang nasyunal.
Matatandaan na naglingkod si Defensor bilang konsehal at kongressman ng ikatlong distrito ng Quezon City bago pinamunuan ang mahahalagang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 at Philippine National Railways (PNR).
Sa ilalim ng kaniyang liderato, nakapagsagawa si Defensor ng mga pagbabago at makabuluhang programa sa naturang mga ahensiya maliban sa tumatak sa track record niya ang matagumpay na programa para sa mga taga-Quezon City, partikular na ang pabahay sa maralitang taga-lungsod, ang pagtatanggol sa pag-aalis sa Quirino Memorial Medical Center o Labor Hospital, programa sa patubig, mga health center at pagsasaayos sa mga kalsada.
