Tiniyak ni Quezon City mayoralty aspirant Mike Defensor na tatayuan nito ng ospital ang ikalawang distrito ng lungsod upang matiyak ang de-kalidad na atensyong pangkalusugan ng mga residente sa naturang lugar.
Sinabi ni Defensor na kinakailangan na magkaroon ng ospital ang itinuturing na pinakamalaking distrito ng lungsod sapagkat kakayanin naman ng pondo ng pamahalaang lokal na balikatin ang pagpapatayo nito.
“Hindi magiging hadlang ang kawalan ng perang pang-deposito ng ating mga kababayan sa District II sa itatayo nating ospital. Kung kinakailangang makipag-ugnayan tayo sa mga kaukulang ahensiya ng ating pamahalaan ay gagawin ko upang matiyak na sapat din ang mga pasilidad nito upang tugunan ang mga serbisyong medikal ng ating mga kababayan.” pahayag pa ni Defensor.
Ang kalusugan ay kabilang sa mga pangunahing programa na tututukan ni Defensor batay na rin sa kanyang mga binuong proyekto para sa mga taga-lungsod Quezon. Prayoridad nito ang pagtiyak na mabilis na maibigay ang mga serbisyong medikal tulad ng operasyon, gamot at doktor partikular na sa mga maralitang taga-lungsod.
“Matindi ang ating hangarin na palakasin ang mga serbisyong pangkalusugan para sa ating mga kababayan. Halimbawa na lang yung mga kasama nating taga-Barangay Security and Development Office (BSDO), pag sila ay naaksidente sa mga respondeng ginagawa nila sa ating komunidad, kailangan sila mismo hindi mahirapang makakuha ng atensyong medikal.” dagdag pa ni Defensor.
Sa kanyang pakikipag-ugnayan sa residente ng District II kamakailan ay tiniyak din ni Defensor na magsusulong siya ng isang ‘universal health care’ para sa mga taga-Quezon City.
Sa ilalim ng programa, lahat ng mga mahihirap na pamilya ay magkakaroon ng pagkakataong maging miyembro ng National Health Insurance Program o Philhealth samantalang lahat naman ng mga pamilyang mayroon nang iba’t ibang uri ng Philhealth membership ay bibigyan ng QC Health Card.
Maging ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor ay papasukin nito para sa murang gamot laban sa impeksyon, high blood pressure, diabetes at cancer at makapagbigay ng murang diagnostic services kabilang na ang mga blood test, x-ray at ultra-sound.
