Nakahandang ipaglaban ni Quezon City mayoralty candidate Mike T. Defensor ang mga senior citizen sa lungsod na magkaroon ng allowance kada buwan bilang bahagi ng pagtataguyod sa kanilang kapakanan.
Tiniyak ni Defensor na sisikapin nitong mapagkalooban ng Php1,000 na allowance kada buwan ang bawat senior citizen sa lungsod upang makatulong ito sa kanilang mga gastusin.
“Naniniwala ako na dapat nating kilalanin at pahalagahan ang mga nakatatanda sapagkat sila’y isa pa rin sa mga importanteng bahagi ng ating sektor na hindi dapat balewalain ng sinumang lingkod-bayan.” pahayag ni Defensor.
Idinagdag pa nito na ang mga nakatatanda ay may bahaging ginampanan sa pagtataguyod sa lungsod kung nasaan man ang kalagayan nito sa kasalukuyan.
Sa pakikipag-ugnayan ni Defensor sa mga residente ng District IV na nagtungo sa kanyang tanggapan, ipinaliwanag ni Defensor na kabilang sa kanyang mga pangunahing programa na itataguyod sa Quezon City ang sektor ng senior citizens.
Ayon pa kay Defensor, ang isinusulong niyang pagbibigay ng allowance kada buwan sa mga nakatatanda ay kayang balikatin ng pamahalaang lokal partikular na kung susuriin ang alokasyon sa mahigit 10 bilyong pisong pondo nito bawat taon.
Samantala, maliban sa allowance, makikipag-ugnayan din si Defensor sa mga pribadong sektor upang palawigin ang mga institusyon na magbibigay ng community based care, residential care at daycare services para sa mga nakatatanda, kabilang na ang mga supplemental feeding at psycho-social interventions.
Sa kasalukuyan, batay na rin sa record ng Planning and Development Office ng lungsod para sa taong 2009, umaabot sa 133,391 ang bilang ng nakatatanda na posibleng mabenepisyuhan ng mga isinusulong ni Defensor.
